Friday, January 5, 2018

The Victims Of Love (SPG) - Chapter 23/Ending


SA BACKSTAGE ay abala na ang lahat ng mga modelo. Hindi alam ni Teolo kung bakit labis siyang kinakabahan nang mga sandaling iyon. Sa dalawang taon na niyang pagmomodelo ay noon lamang siya ulit kinabahan na ani mo'y unang beses lamang niya.

"Tol, okay ka lang?"

Napatingin si Teolo sa nagsalita. Kapwa niya modelo iyon na hindi pa niya kakilala.

"I'm just fine," tugon niya.

"Nelvin pala," pakilala nito na naglahad ng kanang kamay na agad naman niyang tinanggap para makipag-shakehands.

"Teolo," pakilala naman niya rito.

"Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa 'yo, tol? Idol ka ng karamihan gaya ko," nakangiting sabi ni Nelvin.

Ngumiti si Teolo. Hindi niya alam kung bakit may namuong kaba sa kanyang dibdib habang nakipagtitigan kay Nelvin. Ni hindi na nila napansin na magkadaupang-palad pa rin pala sila.

"Tol, alam mo, lalo mo akong napahanga no'ng inamin mo ang katotohanan," ani Nelvin.

"Mahirap, tol, pero alam kong iyon ang labis na magpapasaya sa 'kin kaya ngayon heto ako, masayang-masaya at nakaramdam ng kalayaan," nakangiti niyang sabi.

Sabay silang nagtawanan nang mapansin na magkahawak pa rin sila ng kamay. Pero hindi nila alam kung bakit walang isa sa kanila na nagtangkang bumitaw. Bagkus ay mas hinigpitan pa nila ang pagkakahawak sa isa't isa. Mas lalong tumibok ang puso ni Teolo.

"Paano mo pala nagawa 'yong pag-amin mo, tol?" mayamaya ay tanong ni Nelvin.

"Sinunod ko lang ang puso ko, tol," sagot niya rito.

"Thanks, tol, I think I have to follow my heart too," makahulugang sabi ni Nelvin.

"What do you mean?" naguguluhang tanong ni Teolo kay Nelvin.

Inilapit ni Nelvin ang mukha sa kanya at may ibinulong.

*****

PAPASOK sa loob ng dressing room si Dennis kasama ang kasintahang si Daryl. Hindi bakla si Dennis pero naniniwala siyang wala talagang kinalaman ang kasarian ng isang tao pagdating sa pagibig, iyon ang nararamdaman niya para kay Daryl. Hindi niya aakalaing mahuhulog ang loob niya rito. As the matter of fact ay nagsasama na sila sa iisang bubong at may plano ng magpakasal sa amerika.

"Baby, hindi ka na puwede rito," malambing na sabi ni Dennis kay Daryl.

"Galingan mo, baby, I love you so much," ani Daryl.

"I love you too, baby," tugon ni Dennis sabay siil ng halik sa labi ng kasintahan.

Nagsigawan naman ang lahat ng nasa dressing room. Tila nakaramdam pa ng inggit sina Teolo at Nelvin sa dalawa.

*****

"WHAT'S up, everyone? Are you ready?" malakas na boses ng host na babae.

Hiyawan naman agad ang audience. Kitang-kita sa mukha ng lahat ang labis na excitement na makita ang mga modelo.

"I can't hear you! Once again... are you ready?" muling tanong ng host.

Lalong umingay ang loob ng Love Bar. Punong-puno iyon and as usual karamihan ay mga bakla.

"Shit! I can't wait any longer," ani Jocee. "Go, Teolo!" sigaw niya.

"Me too, mare," ani Jd. "Go, Nelvin!" sigaw rin nito.

Kapwa pinagpapawisan ang dalawa kahit malakas naman ang aircon. Nagpalinga-linga si Jocee sa paligid. Napangiti siya nang makita sina Rhone at Billie na panay ang hiyawan. Kitang-kita niya ang labis na kasiyahan sa mukha ng dalawa.

"Mare, lipat tayo," he told Jd.

"Saan, mare?"

Hinawakan niya ang kamay ng matalik na kaibigan. Hindi niya alam kung bakit pero nang mga sandaling iyon ay gustong-gusto niyang makasama sina Rhone at Billie. Lumapit nga silang dalawa ni Jd sa mga ito.

Inakbayan ni Jocee sina Rhone at Billie. Pumagitna siya sa mga ito. Nagtawanan silang tatlo.

"I love you, guys..." pasigaw na sabi ni Jocee para marinig nina Rhone at Billie.

"Ano'ng drama na 'yan, Jocee?" natatawa namang sabi ni Billie.

"Oo nga, nakakaumay ha," ani Rhone.

Sabay ulit silang nagtawanan at nag-group-hug pa. Madalas nga silang parang aso't pusa. Pero hindi naman maitatanggi ang katotohanang mahal na mahal talaga nila ang isa't isa.

Natutuwa naman si Jd sa magkakaibigan. Nakaramdam pa nga siya ng kunting inggit dahil bukod kay Jocee ay wala na talaga siyang ibang close friend. Noon niya na-realize na mali pala ang mamili ng mga kaibigan. Marami kasi ang gustong makipagkaibigan sa kanya na hindi nagtatagal dahil nga sa ugaling mapagmataas. Gusto niyang laging bida sa grupo. Laking pasalamat nga ni Jd at napagtiisan pa siya ni Jocee.

*****

SA HINDI kalayuan ay naroon naman sina Sarah at Simonscott. As usual ay napaka-sweet ng dalawa na kulang na lang talaga ay langgamin na.

"Bhe, excited na excited ka ng makitang naka-brief lang si Teolo noh," panunukso ni Simonscott kay Sarah sabay halik sa pisngi niya.

Marahang kinurot ni Sarah si Simonscott sa tagiliran na ikinangiwi nito. "Hmp... bakla kaya 'yon, sa 'yo ako excited," ani Sarah sabay tawa.

Sa totoo lang kasi, ni minsan ay hindi pa nila nagawang magtalik. Basta magkasama lang sila, magkayakap at maghalikan ay sapat na. Iyon ang isa sa mga rasong nasasabi ni Sarah sa kanyang sarili na mahal na mahal nga siya ni Simonscott. May respeto ito sa pagkababae niya.

"Gano'n?" Biglang lumuhod si Simonscott sa harapan niya.

"Bhe, ano'ng ginagawa mo? Nakakahiya sa mga tao," aniyang napapatingin sa paligid at nakatingin na nga sa kanila ang iba.

"E 'di ba excited kang makita na naka-brief lang ako?" tanong ni Simonscott na may kinuha sa bulsa.

"Oo naman, bhe," nakangiti niyang tugon dito. Sobrang kilig na ang kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Sa buong buhay niya ay noon lamang siya nakaramdam ng ganoon katinding kilig. Tinalbog ni Simonscott si Teolo at ang iba pang lalaking dumaan sa buhay niya.

"Bhe..." Simonscott said. Nakaluhod pa rin ito sa kanyang harapan.

"Ano 'yon, bhe?" Kinakabahan si Sarah sa hindi niya malamang dahilan.

"Close your eyes muna, bilisan mo dahil mag-uumpisa na ang show," nakangising sabi ni Simonscott.

Agad namang pumikit si Sarah.

"Now... open your eyes," halos pasigaw ng sabi ni Simonscott dahil biglang naging sobrang ingay na. Nag-umpisa ng magsilabasan ang mga modelo.

Pagdilat ni Sarah ng kanyang mga mata ay napanganga siya at hindi na niya napigilan ang mga luhang sunod-sunod na nagsibagsakan. Nakalahad sa harapan niya ang isang wedding ring.

"Bhe, will you marry me?" madamdaming tanong ni Simonscott.

Hinawakan niya ang kamay nito at pahilang itinayo kapagkuwa'y niyakap ito ng sobrang higpit.

"I love you so much, bhe, of course magpapakasal ako sa 'yo," nahihikbi niyang sabi. Walang pagsidlan sa labis na kaligayahan ang puso niya nang mga sandaling iyon.

"I love you more, bhe," ani Simonscott.

Nagkalas sila mula sa isang mahigpit na pagyayakapan. Hindi na nila napigilan ang kanilang mga sarili. Sinunod nila ang isinisigaw ng kanilang mga puso. Agad nilang pinagsaluhan ang isang napakatamis na halik. Hindi na nila alintana ang mga taong nakatingin sa kanila.

Biglang may bumunggo kay Sarah kaya natapos agad ang halikang iyon.

"Sorry, miss," anang nakabunggo sa kanya.

Napatingin si Sarah sa pamilyar na babae. Kumunot ang kanyang noo. "'Di ba ikaw 'yong girlfriend ni Teolo?" tanong niya rito.

Napatitig ang babae sa kanya at napangiting bigla. "Ikaw 'yong nakita kong kasama ni Teolo 'di ba sa bahay nila?" ganting-tanong nito.

Napatingin si Sarah kay Simonscott. Ngumiti lang sa kanya ang nobyo.

"Oo, ako nga 'yon. Sorry pala sa nangyari. By the way, I'm Sarah, at ito naman si Simon, boyfriend ko," nakangiti niyang sabi.

"Asus... kalimutan mo na 'yon, I'm Patricia," anitong inilahad ang kamay na tinanggap naman ni Sarah.

Nagtawanan silang dalawa. Mas lalo namang gumaan ang kalooban ni Sarah. Na-realize niyang napakasarap pala sa pakiramdam na alam mong wala kang kagalit. Pero nang mga sandaling iyon, wala ng mas sasarap pa sa kanyang pakiramdam ang nalalapit na kasal nila ni Simonscott. Ito na ang lalaking mamahalin niya kahit sa kabilang buhay pa.

*****

NAPAKASAYA ng lahat sa loob ng Love Bar ngunit taliwas sa nararamdaman ni Hiechan nang mga sandaling iyon. Gulong-gulo ang kanyang isipan at ni hindi na niya alam kung paano siya nakarating sa lugar na iyon. Ani mo'y nasa loob siya ng isang madilim na karimlan. Puno ng paghihinagpis ang kanyang kalooban.

Dinig na dinig niya ang hiyawan ng mga tao sa loob. Hindi niya alam kung bakit nasasaktan siya ng labis habang naririnig ang mga hiyawan na iyon. Pakiramdam niya ay nag-iisa lamang siya sa matinding kalungkutan habang ang lahat ay nagkakasiyahan.

Biglang may lumapit sa kanyang lalaki. "Pare, ano'ng problema natin?" tanong nito.

Napatingin siya rito. "Ang problema ko, 'yang mga nasa loob, ang ingay nila, napakasakit sa tenga!" sagot niya.

Tumawa ang lalaki. "Ako pala si Sachie. Iyan din ang problema ko, pare. Sumasakit din ang tenga ko sa kanila lalo na at nasa loob ang baklang si congressman Kryx na labis kong kinamumuhian. Gusto mong solusyunan ang problema nating dalawa?"

"Ano'ng ibig mong sabihin?" maang niyang tanong dito.

Hindi ito sumagot sa halip ay tinitigan siya nito ng mabuti, kapagkuwa'y may kinuha ito sa backpack at inilahad sa kanya. Hindi siya sigurado kung ano nga iyon. Basta ang alam niya ay isang bomba.

"Pindutin mo lang ito, pare, tapos ang lahat ng problema natin," anitong seryosong-seryoso.

*****

KINABUKASAN ay trending sa lahat ng social networks ang hashtag na ‪#‎TheVictimsOfLove‬. Laman din ng headline news ang napakasaklap na nangyari sa naturang bar. Ayun sa balita ay malinaw na suicide bombing ang nangyari. May mga nakakita kasi sa pagpupumilit ng isang lalaki na makapasok bago nangyari ang pagsabog ng Love Bar. Sa kasawiang palad ay walang nakaligtas sa insidente.

"Isa sa mga katotohanan, lahat tayo ay mamamatay, kahit ano pa ang gawin natin, hindi tayo makakaligtas. Ang masasabi ko lang, habang buhay pa tayo ay gawin natin ang nararapat at nakakabuti para sa ating mga sarili. Huwag tayong tumigil sa pagmamahal at pagpapatawad. At ang pinakaimportanteng bagay sa lahat, huwag natin kalimutang magdasal sa Panginoon," lumuluhang pangaral ni father Aladin. Ang pareng nagsesermon sa ginaganap na prayer vigil para sa mga biktima.

WAKAS
 ---
Salamat sa mga sumubaybay hehe tragic story!